DOH REGION 1, IPINAGBAWAL ANG PAGGAMIT NG SINGLE USE PLASTICS SA HEALTH FACILITIES NG ILOCOS REGION

Sinimulan ng Department of Health – Ilocos region ang kanilang phased implementasyon ng pagbabawal sa paggamit ng single-use plastic sa pamamagitan ng pagbabawal sa paggamit nito sa lahat ng pasilidad pangkalusugan nito sa rehiyon kabilang ang mga ospital ng DOH, provincial DOH offices, DOH-attached agencies, Philhealth, National Nutrition Council at Philippine Institute of Traditional Alternative Health Care at lahat ng iba pang may kinalaman.
Sinabi ni Regional Director Paula Paz M. Sydiongco na hindi naman mabilis na nabubulok ang plastic. Ito rin umano ang isa sa dahilan ng pagkabara ng mga drainage systems lalo na sa panahon ng tag-ulan. At ang pagsunog sa mga ito naman ang dahilan ng pagkakaroon ng air pollution mula sa mga toxic na lumalabas mula sa usok nito.
Ang pinakakaraniwang single-use plastic products (SUPs) ay kinabibilangan ng mga plastic drinking straw, plastic cups, plastic drinking bottles, plastic drink stirrers, plastic na kutsara, tinidor at kutsilyo, plastic at thin-filmed sando bag.

Hinikayat din ng tanggapan ng rehiyon ang mga residente at mga lokal na yunit ng pamahalaan na ipatupad ang pagbabawal sa paggamit ng mga single plastic ng mga residente upang mabawasan ang polusyon sa kapaligiran at upang mabawasan din ang pangangailangan para sa produksyon ng plastik na nag-aambag sa pandaigdigang pagbabago ng klima.
Hinikayat pa nito na maging responsable sa paggamit ng mga plastic products at maaaring gumamit ng ibang alternatibo gaya ng paper bags at recyclable plastic bags sa pamimili upang maiwasan ang paggamit at pag-uwi ng maraming plastic bag mula sa palengke. | ifmnews
Facebook Comments