Dalawang posibilidad ang tinitingnan ngayon ng Department of Health (DOH) na dahilan ng nangyaring food poisoning sa bayan ng Impasug-Ong sa Bukidnon.
Una rito, daan-daang miyembro ng Seventh Day Adventist na nagsasagawa noon ng youth convention sa lugar ang isinugod sa iba’t ibang ospital sa Bukidnon makaraang makaranas ng pagsusuka, pagdudumi at panghihina.
Sa eksklusibong interview ng RMN Manila kay Dr. David Mendoza, Assistant Regional Director ng DOH-10 posibleng nalason ang mga biktima mula sa pagkain o inuming tubig.
Nabatid kasi na magkalapit lang ang banyo at kusina kung saan niluluto ang pagkain ng mga biktima.
Habang bukal ang pinagkukunan nila ng inuming tubig.
Kasabay nito, nilinaw ni Dr. Mendoza na aabot lang sa 233 ang validated cases ng food poisoning mula sa napaunang ulat na 600.
Aniya, nadoble lang kasi ang paglilista sa pangalan ng mga biktima.
Nakalabas naman na ng ospital ang ilan sa mga biktima.
Samantala, pinuri ng DOH ang magandang koordinasyon ng Local Government Unit (LGU), Philippine Army, PNP, Local Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtugon sa problema.