*Cauayan City,Isabela*- Ipinaliwanag ng Department of Health Region 2 ang tungkol sa proseso ng screening sa isang indibidwal na papasok sa rehiyon sakaling makitaan ng sintomas ng 2019 Novel Corona Virus.
Kasabay ito ng isinagawang pagpupulong sa ilang terminal ng bus, mga ospital at tanggapan ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
Ayon kay Health and Education Promotion Officer Pauleen Atal ng DOH Region 2, hindi maikokonsidera na ‘Person Under Investigation’ ang isang indibidwal kung hindi naman direktang nagmula ito sa Wuhan City, China kung saan pinagmulan ang nasabing sakit.
Sinabi pa ni Atal na ang nangyaring insidente sa isang 25 anyos na babae mula Peñablanca ay hindi maituturing na ‘PUI’ dahil sa hindi naman sapat ang resultang lumabas sa pagsusuri ng Epidemiology Bureau para tawaging PUI ang pasyente.
Tiniyak naman ng DOH-Region 2 ang patuloy na monitoring ng kanilang sangay sa lahat ng mga matataong lugar partikular na ang mga paliparan na nakabase sa Cagayan upang masigurong hindi makakapasok sa rehiyon ang nakamamatay na sakit.
Paliwananag pa nito na tanging DOH Central Office lang ang bukod tanging magbibigay ng abiso para sa kumpirmasyon may kaugnayan sa 2019 Novel Corona Virus.