Hindi tutol ang Department of Health (DOH) sa rekomendasyon ng OCTA Research group na magpatupad ng 2 linggong lockdown bilang circuit breaking measure, anticipatory at preventive measure lalo na’t nakakaranas na ulit ngayon ng surge ng COVID-19 ang Metro Manila at ilang lugar sa bansa bunsod ng Delta variant.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na suportado niya ang naturang mungkahi ng OCTA.
Kasunod nito, patuloy ang kanilang ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) dahil sila ang maituturing na ‘man on the ground’ na mas nakakaalam ng tunay na sitwasyon sa mga komunidad.
Ani Duque, lahat ng hakbang ay gagawin ng pamahalaan nang sa ganon ay hindi tayo matulad sa mga kalapit nating bansa na hirap na hirap ngayon bunsod ng Delta variant.
Ilan sa mga hakbang na ito ay ang aggressive finding ng active cases, efficient contact tracing at testing.
Gayundin ang pinaigting na Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategy samahan pa ng tuloy-tuloy na pagbabakuna na garantisadong magbibigay proteksyon sa ating mga kababayan.
Sinabi pa ng kalihim na sa susunod na pagpupulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay isa ito sa main agenda.
Lahat naman aniya ng desisyong inilalabas ng IATF ay may gabay mula sa mga eksperto.