Dadalo na sa susunod na pagdinig ng Senado si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III kaugnay sa umano’y nagaganap na anomalya at korupsiyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Duque, nirerespeto niya ang utos ng Kamara na maging present sa pagdinig.
Nabatid na una nang nagpahayag ng pagnanais sina Senator Panfilo Lacson at Senator Risa Hontiveros na dumalo si Duque sa pagdinig dahil nagiging kwestiyonable ang pananahimik nito.
Samantala, tiniyak ng PhilHealth na tuloy pa rin ang mga ayudang matatanggap ng kanilang mga miyembro sa kabila ng pagsuspinde ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng state insurer dahil sa pag-iimbestiga dito.
Base sa inilabas na pahayag ng PhilHealth, regular pa rin ang serbisyong ibibigay ng ahensiya sa kanilang mga miyembro lalo na ang mga COVID-19 patients.
Nilinaw din ng ahesya na ang pagsuspende sa IRM ay para lamang sa pag- review ng implementasyon nito.
Ang IRM ay ang pagbibigay-ayuda sa mga kuwalipikadong ospital na tumutugon sa gitna ng kalamidad at pandemya para mapagpatuloy ang pagbibigay ng health care nito sa mga Filipino.