Haharapin ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang mga reklamong ibinabato sa kanya ng 14 na senador na naghaing na resolusyon upang ipanawagan ang pagbibitiw niya sa pwesto.
Nakasaad sa P.S. Resolution No. 362 na pinirmahan maging ng ilang kaalyado ng administrasyon na dapat magbitiw sa puwesto ang pinuno ng DOH dahil sa “failure of leadership, negligence, lack of foresight, and inefficiency in the performance of his mandate,” habang patuloy umanong nalulumpo ang bansa dahil sa virus.
Nagresulta umano ang kapabayaan ni Duque sa, “poor planning, delayed response, lack of transparency, and misguided and flip-flopping policies” sa pagtugon sa COVID-19.
Pero sa interview ng RMN Manila, nanindigan si Duque na hindi siya magbibitiw sa pwesto hangga’t nananatili ang tiwala sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Duque, bagamat nagulat siya sa naging hakbang ng Senado, babasahin niyang mabuti ang resolusyon at sasagutin ang mga ito.
Aminado si Duque na sumama ang kanyang loob dahil marami naman siyang nagawa sa pangunguna sa paglaban ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Sa huli, nanawagan ang kalihim ng DOH sa taong bayan at mga opisyal ng pamahalaan na magkaisa, isantabi muna ang politika para sa ikatatagumpay ng bansa sa paglaban sa COVID-19.