Handa si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na kasuhan sina resigned PhilHealth Anti-Fraud Officer Thorsson Keith at Regional Vice President Dennis Adre oras na maalis ang kanilang legislative immunity.
Kasunod ito ng pagdadawit ng mga ito sa kanya sa umano’y anomalya sa PhilHealth.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Duque na may karapatan siyang palabasin ang katotohanang wala siyang kinalaman sa mga anomalya sa ahensya.
“Syempre may karapatan din ako na palabasin ang katotohanan na wala naman akong kinalaman d’yan sa kanilang mga sabi-sabing alegasyon na wala namang batayan,” ani Duque.
Matatandaang tinawag ni Keith si Duque na “godfather” ng mafia sa PhilHealth.
Habang inakusahan ni Adre ang kalihim na siyang nasa likod ng pagpapatupad ng Plan 5-million noong 2004 kung saan nagsimulang malugi ang ahensya.
Sa ilalim nito, namigay umano ang PhilHealth ng limang milyong health cards bilang tulong sa presidential campaign ni dating Pangulong Gloria Arroyo na noo’y nalalamangan ng limang milyon sa survey ng kalaban niyang si Fernando Poe Jr.
Ayon kay Duque, lehitimo ang programa na sinimulan nila noon pang 2001.
Giit pa ng kalihim, naipanalo na niya ang kasong ito kaya hindi na dapat pa binabalikan.