DOH Sec. Francisco Duque III, pinayuhan ng mga senador na magbitiw sa pwesto

Pinayuhan ng mga senador si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na magbitiw na sa pwesto.

Sa harap ito ng kabiguang maibigay ang kompensasyon sa mga nasawi at nagkasakit na health workers dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, nakakadismaya na sa kabila ng sunod-sunod na kapalpakan ng kalihim ay patuloy niya itong nalulusutan.


Gayunman, sabi ni Lacson na hindi niya puwedeng kuwestiyunin si Pangulong Rodrigo Duterte dahil presidential prerogative niya ang pagtalaga kay Duque bilang kalihim ng DOH.

Pero ipinagtataka aniya niya kung anong klaseng anting-anting mayroon si Duque dahil patuloy itong nabibigyan ng special treatment.

Aminado naman si Senador Christopher “Bong” Go na hindi na siya nasisiyahan sa nangyayari sa kalihim.

Aniya, kung ayaw ni Duque na ayusin ang pagsisilbi sa bayan at maghatid ng tunay na malasakit sa kapwa, dapat na itong nagbitiw sa puwesto.

Matatandaang sa pulong kahapon ng Pangulo sa Inter-Agency Task Force, isinisi ni Duque sa kaniyang mga staff ang kabiguang maipamahagi ang ayuda para sa mga health workers na nagkasakit o namatay dahil COVID-19.

Facebook Comments