Umabot sa higit 44 na Milyong pisong halaga ng kontrata ang nakuha ng kumpanyang pagmamay-ari ng kapatid ni Dept. of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III.
Sa datos mula sa PHILIPPINE government Procurement System o PHILGEPS, lumalabas na hindi bababa sa 11 Government Contract ang nakuha ng Doctors Pharmaceutical Inc. (DPI) sa DOH, attached agencies nito at isang Government Owned and Controlled Corporations o GOCC.
Nakuha ang mga kontrata mula 2013 hanggang 2018.
Iginiit ni Duque, na patunay noong 2006 ay ibinenta na niya ang kanyang shares o parte sa DPI at simula nito ay hindi na siya nakialam sa operasyon ng kumpanya.
Wala rin siyang nakikitang problema kung nakakuha ng kontrata ang kumpanya habang pinuno siya ng Civil Service Commission (CSC) noong 2014 at Government Service Insurance System (GSIS) noong 2017.
Pero hanggang nitong 2018 ay nakakuha pa ng kontrata ang DPI sa National Center for Mental Health, ang ospital na nasa ilalim ng DOH.
Ayon sa pamumunan ng DPI, hindi nila alam na sakop ng DOH ang naturang ospital.
Dahil dito, nagbilin na si Sec. Duque sa kanyang kapatid na Presidente ng DPI na huwag na lang magbid sa anumang ahensyang nakadikit sa DOH habang nakaupo siya bilang kalihim.