Nagpaliwanag si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa House Committee on Health kaugnay sa kaniyang pahayag na nasa 2nd wave na ng COVID-19 ang bansa.
Ito ay matapos kwestyunin ni Nueva Ecija Representative Micaela Violago ang kalihim kung bakit ngayon lang nito sinabi na nasa 2nd wave na pala ang bansa sa naturang impeksyon.
Giit ni Duque, ang kanyang sinabi na nasa second wave na ang bansa ay casual expression ng epidemiological fact na base rin sa validation ng Epidemiology Bureau.
Meron talaga aniyang first wave ng impeksyon ng COVID-19 noong Enero mula sa unang tatlong imported cases na naitala.
Pagkatapos nito ay wala na aniyang naitala noong Pebrero at muling umusbong ang sunud-sunod na “community transmission” ng Coronavirus noong Marso na siyang itinuturing na 1st major wave ng “sustained community transmission”.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Dr. John Wong, miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) – Subtechnical Working Group on Data Analytics na posible pa rin ang “series of waves” hangga’t walang bakuna sa COVID-19, pero pwede itong i-delay basta’t laging paiiralin ng mga tao ang social distancing.