DOH, sinimulan na ang pag-iikot sa ilang malls at pamilihan habang hinihimok ang LGUs na ipatupad ang mahigpit na health protocols

Hinihimok ng Departmenmt of Health (DOH) ang mga Local Government Units (LGUs) na ipatupad ang mahigpit na minimum health and safety protocols ngayong Holiday Season.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, may ilang natanggap silang mga ulat na may ilang lugar ang hindi nasusunod ang physical distancing lalo na sa mga pamilihan.

Isa sa mga nabanggit ni Duque ang area ng Divisoria kung saan dinadagsa ito ng mga tao na patuloy ang namimili bilang paghahanda ngayong Pasko.


Dahil dito, plano ng kalihim na mag-iikot ito sa Divisoria sa susunod na mga araw upang makita ang sitwasyon sa lugar.

Sinabi pa ni Duque na nagsimula na silang mag-ikot at mag-inspeksyon upang tiyakin o masiguro na naipapatupad ng mga LGUs ang minimum health standards ng gobyerno laban sa COVID-19 kung saan inumpisahan nila ito sa Farmers Market sa Cubao, Quezon City.

Binigyang diin ni Duque na magkaroon sana ng disiplina ang bawat isa at pangalagaan ang kaligtasan gayundin ang kalusugan hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa iba.

Payo nito sa publiko, iwasan munang magpunta sa matataong lugar tulad sa mga malls, palengke dahil mas mataas ang posibilidad na makakuha ng virius at kapag meron na nito, sigurado naman na mahahawaan ang iba o ang miyembro ng pamilya.

Aniya, maiging sumunod sa ipinaiiral na health procol upang hindi na humantong pa sa pagkakaroon ng surge ng COVID-19 lalo na ngayong Holiday Season.

Facebook Comments