DOH, sinisilip na ang naging testimonya ni Pharmally Executive Krizle Grace Mago sa Senado

Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang naging testimonya ni Pharmally Pharmaceutical Corp. Executive Krizle Grace Mago sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa ginawang pagpapalit ng production date sa mga biniling face shield ng pamahalaan.

Mababatid na inamin ni Mago na inutusan niya ang mga warehouse worker ng kompanya na palitan ang 2020 production certificate ng 2021 upang palabasin na ngayong taon lamang ginawa ang mga face shield.

Ayon naman kay Duque, pinag-aaralan na ng ahensya ang mga naging testimonya ni Mago sa Senado.


Nabusisi naman ni Good Government and Public Accountability Vice Chair Johnny Pimentel kung na-e-expire ba talaga ang mga face shield gayong non-perishable item ito hindi tulad ng pagkain na madaling masira o mabulok.

Sinabi naman ni Duque na batay sa kanilang Disease Prevention and Controlled Bureau, may 36 na buwan na shelf-life ang face shield na binili ng pamahalaan sa Pharmally Pharmaceutical Corporation dahil sa component nito na styrofoam.

Bukod dito, idinipensa pa na lahat ng biniling medical supplies ay naipamahagi at napakinabangan na ng health facilities.

Nauna nang lumabas sa pagdinig ng Kamara na walang paglabag sa pagbili ng pamahalaan ng face masks at face shield sa Pharmally dahil ito ay nakapaloob sa emergency procurement sa ilalim ng Bayanihan 1 Law at kulang pa ang mga supplier ng mga medical supply at equipment noong nakaraang taon.

Facebook Comments