Iminungkahi ng Department of Health (DOH) sa mga Local Government Units (LGUs) na isama sa kanilang COVID-19 vaccination protocols ang pagpapakita ng hiringilya sa mga vaccine recipient bago at pagkatapos ng kanilang pagbabakuna.
Ito ay sa harap ng mga lumalabas na ulat na may ilang vaccine recipients ang hindi nakatanggap ng bakuna matapos hindi isaksak ng vaccinator o health worker ang nilalaman ng hiringilya.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang hakbang na ito ay inirekomenda na nila sa iba’t ibang vaccination sites.
Mas makakabuti aniya ito para na rin sa kapanatagan ng publiko.
Naniniwala si Vergeire na hindi sinasadya ng mga health workers na hindi maisaksak ang bakuna sa mga vaccine recipient.
Aniya, walang masamang intensyon ang mga health workers at bahagi lamang ito ng human error na kailangan lamang resolbahin.
Nanindigan din ang DOH na hindi nila paparusahan ang mga sangkot na health workers.
Ang mga vaccinators ay dumaan sa refresher course ukol sa vaccination protocols.