Target ngayon ng Department of Health (DOH) na makabili ng second generation COVID-19 vaccines na pumupintirya sa Omicron variants sa unang quarter ng taong 2023.
Pahayag ito ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kahapon hinggil sa 301 bilyong pisong proposed budget ng DOH sa susunod na taon.
Ayon kay Vergeire, nakikipag-usap na sila sa mga manufacturers ng bagong henerasyon ng naturang bakuna kung saan ang isa rito ay malapit nang matapos ang registration nito upang aprubahan sa Amerika at inihahanda na nila ang non-binding agreement habang ang isa pang manufacturer ay sinisilip nila ang isang non-disclosure agreement.
Dagdag pa nito, mahalaga na makakuha kaagad ng second generation vaccine dahil nagsisimula nang mawala ang proteksyong ibinibigay ng unang dalawang turok ng COVID-19 vaccines.
Mababatid na hinimok ni Pangulong Bongbong Marcos na maglaan ng pondo ang kagawaran para sa pagbili ng second-generation vaccines upang mabigyan lalo ng proteksyon ang publiko laban sa virus kasunod ng pagbangon ng bansa sa idinulot nitong pinsala sa ekonomiya.