Target ng Department of Health o DOH na magpatayo ng karagdagang “toilets” o mga banyo sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito ay sa harap na rin ng pagbabalik ng polio sa Pilipinas, makalipas ang halos dalawang dekada na pagiging polio-free ng bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, isa sa mga rason kung bakit bumalik ang polio ay hindi lamang dahil sa mababang immunization rate kundi dahil din sa “poor environmental sanitation.”
Aabot sa 3.5 million na mga Pilipino ang walang sanitary toilets o malinis na banyo, kaya mabilis ang pagkalat ng mga sakit.
Dahil dito, sinabi ni Domingo na hangad ng DOH na sa tulong ng pamahalaan ay makapag-patayo ng 700,000 toilets sa buong bansa hanggang 2030.
Ibig sabihin, 70,000 na toilets o banyo kada taon hanggang sa makumpleto.
Aminado naman si Domingo na maliit ang P2 million na pondo para sa konstruksyon ng mga toilet, sa ilalim ng 2020 proposed budget kung saan umaasa siya na madagdagan ito upang kayanin ng DOH ang pagpapatatayo ng mga malilinis na banyo.