Puspusan na ang ginagawang contact tracing ng Department of Health (DOH) matapos maitala ang dalawang kaso ng Omicron COVID-19 variant sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, tumutulong na ang lahat ng ahensiya ng gobyerno para mahanap ang close contacts ng dalawang kaso ng Omicron variant sa bansa.
Kabilang na rito ang isang Returning Overseas Filipino (ROF), isang Nigerian national na kapwa asymptomatic at naka-quarantine.
Kasabay nito, nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi lahat ng nakasalamuha ng dalawang indibidwal na nagpositibo sa Omicron ay kailangang hanapin at muling suriin.
Lahat naman kasi aniya ng co-passengers ng mga nagpositibo sa Omicron ay isinailalim sa quarantine pagdating sa bansa.
Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pito sa walong close contacts ng dalawang Omicron variant cases ay nakilala na at nagnegatibo.