DOH, tiniyak na ang lahat ng Pilipino ay may patas na access sa COVID-19 vaccines

Muling tiniyak ng Department of Health (DOH) na ang lahat ng mga Pilipino ay mayroong patas na access sa COVID-19 vaccines.

Ito ang pahayag ng kagawaran kasunod ng prioritization criteria at listahang aprubado ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Nabatid na kumalat ang isang “unofficial draft” ng Administrative Order ng DOH kung saan nakasaad ang ilang draft Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11525 o COVID-19 Vaccination Law.


Sa statement ng DOH, ang binubuong IRR ay naaayon sa prinsipyo ng World Health Organization (WHO) Strategic Advisory Group of Expert.

Anumang probisyon na nagpapakita ng diskriminasyon laban sa anumang sektor ng lipunan sa access sa COVID-19 vaccines ay hindi ikinokonsiderang polisiya, patakaran o panuntunan na ilalabas ng pamahalaan.

Ang nilalaman ng draft IRR ay batay sa mga rekomendasyon mula sa iba’t ibang stakeholders.

Ang DOH at mga ahensyang bumubuo sa Vaccine Cluster ng National Task Force against COVID-19 (NTF) ay nasa proseso pa ng pagbuo ng mga probisyon.

Facebook Comments