DOH, tiniyak na hindi maaapektuhan ang COVID-19 vaccine priority list sa nangyaring pagkamatay ng 23 matatanda na nabakunahan sa Norway

Tiniyak ng Department of Health na hindi maaapektuhan ang priority list para sa COVID-19 vaccines nang insidente sa Norway kung saan 23 nakatatanda ang namatay matapos na makatanggap ng unang dose ng anti-COVID 19 vaccine mula sa Pfizer.

Sa interview ng RMN Manila kay DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, binigyan diin nito na wala pang direktang nagtuturo na ang COVID-19 vaccine ang dahilan sa pagkamatay ng 23 nakatatandang may malubhang sakit sa Norway.

Una nang itinanggi ng Norwegian Institute of Public Health na may kinalaman sa bakuna ang sunod-sunod na pagkamatay ng 23 matatanda.


Bunsod nito, sinabi ni Vergeire na walang dahilan para maapektuhan ang COVID-19 immunization program ng pamahalaan.

Sa katunayan aniya, nakatakdang ipasa sa kanila ng mga Local Government Unit ang masterlist ng mga unang bibigyan ng bakuna sa Pebrero.

Sinabi ni Vergeire na nakahanda na ang mga hubs ng DOH para sa mga darating na COVID-19 vaccines, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga eksperto para sa guidelines ng pagbabakuna at mga ospital sa bansa sakaling magkaroon ito ng adverse effect.

Facebook Comments