Inaasahang sa Sabado pa babalik sa full operation ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na siyang pangunahing COVID-19 testing laboratory sa bansa.
Ito ang inihayag ngayon ni Department of Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire kasunod ng kumpirmadong pagpositibo sa COVID-19 ng 40 staff ng RITM.
Ayon kay Vergeire, dahil sa virus, napilitang mag-scale down ang operasyon ng RITM simula noong April 18, araw ng Sabado.
Ito ay upang bigyan daan na rin ang disinfection ng pasilidad at testing ng mga tauhan.
Nagsasagawa na, aniya, ng imbestigasyon ang pamunuan ng RITM sa insidente.
Kasabay nito, tiniyak ni Vergeire na hindi mako-kompromiso ang integridad ng testing center sa nangyari.
Sinabi ni Vergeire na patuloy pa rin ang pagproseso ng RITM ng mga COVID-19 samples na aabot sa 2,000 tests daily at pagtanggap ng mga samples mula Muntinlupa, Parañaque, Las Piñas, at Pasay City.
Una nang nagpositibo ang encoder ng RITM at kalaunan ay nahawaan na nito ang iba pang kasamahan na pawang mga asymptomatic.