Tiniyak ng Department of Health (DOH) na ibinibigay ang mga kinakailangang tulong at benepisyo sa lahat ng healthcare workers na rumeresponde sa COVID-19 pandemic.
Ito ang pahayag ng kagawaran kasunod ng mga ulat na ang hazard pay ng isang nurse sa Cainta, Rizal na namatay sa COVID-19 ay binawasan.
Sa statement ng DOH, mataas ang kanilang pagtingin sa mga health workers na inaalay ang buhay para protektahan ang iba.
Isinusulong ng DOH ang renewed benefit packages sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2.
Nakikipagtulungan ang DOH sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para tiyakin na ang mga local government hospitals ay sumusunod sa kanilang guidelines, mula sa pagbibigay ng alaga, testing at pagbibigay ng kanilang sahod sa tamang oras.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang DOH sa pamilya at mahal sa buhay ng healthcare worker na si Maria Theresa Cruz.