Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi nila hahayaan na magsolo si National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. sa magiging trabaho nito bilang vaccine czar.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, makakasama ni galvez ang kanilang tanggapan gayundin ang Department of Science and Technology (DOST), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Finance (DOF), Department of Foreign Affairs (DFA) at Bureau of Investments kung saan siya ang mangunguna pagdating sa usapin ng COVID-19 vaccines.
Aniya, tutulong at kanilang susuportahan si Galvez sa anumang hakbang o desisyon na kaniyang gagawin.
Dagdag pa ni Vergeire, kanila pa rin susundin ang patakaran at proseso sa anumang gagamiting bakuna at nais nila na matiyak na ligtas at epektibo ito.
Sa huli, iginiit ni Vergeire na gagawin din nila ang proseso sa ipinapatupad na national immunization program kung saan kanilang ipapatupad ang mga hakbang sa pamamahagi, pag-imbak at implementasyon sakaling magkaroon na ng bakuna kontra COVID-19.