Manila, Philippines – Wala pang naitatalang nagpositibo sa Influenza H5N6 mula sa mga poultry workers na una nang inisolate ng Department of Health makaraang kakitaan ng sintomas ng flu.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell Ubial, sa 30 suspected cases mula sa Pampanga at 4 na suspected cases mula sa Nueva Ecija, wala ni isa sa mga ito ang nagpositibo sa bird flu.
Ayon kay Ubial, ginagawa ng DOH ang lahat ng kanilang makakaya upang maiwasan ang pagkakaroon ng human transmission.
Inalerto na aniya nila maging ang Paulino Garcia Medical Center sa Cabanatuan para maging handa sa mga referral at ipadadala nilang pasyente na nangangailangang i-isolate.
Patuloy rin aniya ang ginagawa nilang koordinasyon sa Department of Agriculture para matiyak na lahat ng poultry products ay nananatiling ligtas para sa konsumo ng publiko.