Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang gagastusin ang gobyerno sa COVID-19 vaccine na matatanggap ng bansa mula sa Global Covax Facility.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang tinukoy ng Covax na makakatanggap ng full subsidy ng bakuna.
Maglalabas lang aniya ng pera ang gobyerno kung nais bumili ng bansa ng bakuna ng higit pa sa alokasyon ng Covax.
Nilinaw naman ni Vergeire na sa huling komunikasyon sa kanila ng Covax, nag-abiso ito na hindi na nila kakayaning matupad ang pangakong alokasyon ng bakuna para sa 20% populasyon ng bansa.
By batch aniya ang magiging dating ng mga bakuna mula sa Covax sa bansa at ang unang batch ay maaaring para lamang sa 3% ng populasyon.
Ang mga bakuna mula sa Covax ay inaasahang darating sa unang quarter ng taon.
Pero ito ay karagdagan lamang sa iba pang bakuna na bibilhin naman ng gobyerno.