DOH, tinukoy ang ilang lugar sa Visayas na “emerging COVID-19 hotspots”

Tinukoy ng Department of Health (DOH) ang ilang lugar sa Visayas na “emerging hotspots” para sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga lugar kung saan nakikitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay ang Cebu City, Cebu Province, Ormoc City, Southern Leyte, Leyte, at Samar.

Dagdag pa ni Vergeire, ang epidemic curve sa Visayas ay nagpapakita ng pagsipa ng infections sa Central Visayas at Eastern Visayas.


Ibig sabihin nito, kailangang pagtuunan ng pansin ang mga lugar na ito at mapigilan ang paglobo pa ng kaso dahil maaaring hindi kakayanin ng health system kapag patuloy na tataas ang COVID-19 infections.

Bukod dito, sinabi rin ni Vergeire na nakikitaan ng bahagyang pagtaas ng COVID-19 cases sa national epidemic curve, ibig sabihin ay hindi biglaan ang pagtaas ng kaso at nakakaya pa ng kasalukuyang health system ang pagdating ng mga bagong kaso.

Maganda rin aniyang senyales na nagkakaroon ng downward trend o bumababa ang positivity at case fatality rates.

Ang national government ay nagpadala na ng supplies at equipment sa Cebu Province para mapalakas ang testing capacity nito.

Ang Cebu City na kasalukuyang nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay nakapagtala na ng 4,539 cases.

Facebook Comments