Nanawagan si Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire sa mga doktor, nars at iba pang medical frontliners na tumugon sa panawagan ng pamahalaan na humalili sa mga pagod na health workers na naka-destino sa Metro Manila.
Ayon kay Vergeire, tuloy-tuloy ang isinasagawa nilang dayalogo lalo na sa mga doctors to the barrios para ma-assign dito sa Metro Manila at tumulong sa paglaban sa COVID-19.
Marami kasing nag-aalinlangang mga health workers sa takot na baka mahawa sila ng virus o hindi naman kaya ay maiuwi nila ang virus sa kanilang probinsya.
Pagtitiyak ni Vergeire, hindi naman sila papabayaan ng pamahalaan.
May sinusunod aniyang health safety protocols at sasailalim din sa quarantine upang matiyak na hindi sila mahawaan ng sakit.
Tatanggap din aniya ang mga ito ng lahat ng benepisyo at iba pang insentibong tinatanggap ng isang government health worker at mayroon ding hahalili sa kanila para sa maiiwan nilang mga pasyente.
Giit pa ni Vergeire, bilang propesyonal, ang trabaho ng medical workers ay itaguyod ang kalusugan ng bayan at hindi lamang pagsilbihan ang lugar kung saan sila nadestino kung kaya’t dapat ay tumalima sila sa kanilang sinumpaang tungkulin.