Tinutulan ng Department of Health (DOH) ang vaccine pass sa mga kumpleto na ang bakuna kontra COVID-19 para makapasok sa mga indoor establishment tulad ng mga restaurant.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang rekomendasyong ito ay hindi pa rin mairerekomenda ng kagawaran.
Aniya, kahit fully vaccinated na ang isang tao ay kailangan pa ring magpatupad ng minimum health protocols.
Giit ni Vergeire, wala pang sapat na ebidensya para masabing ang isang taong naturukan na ng dalawang dose ng bakuna ay magkakaroon ng immunity at hindi na siya magkakaroon ng sakit o makakapanghawa.
Matatandaang itinutulak ng pribadong sektor at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paggamit ng vaccine pass para maengganyo ang taumbayan na magpabakuna.