Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na ang lahat ng Local Government Units (LGUs) sa bansa ay masasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa second quarter ng 2021.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, umaasa sila na ang lahat ng lokal na pamahalaan ay nasa maluwag na quarantine restriction.
Para makamit ito, sinabi ni Vergeire na kailangang maabot ng mga LGU ang “gatekeeping indicators” tulad ng pagsunod sa surveillance, contact tracing, isolation, testing at treatment sa mga pasyenteng may COVID-19.
Kaya paalala muli ni Vergeire sa publiko na patuloy na sumunod sa health protocols kasunod ng desisyon ng government task force na payagan ang pagsasagawa ng workshops, training, seminars at iba pang kaparehas na aktibidad sa GCQ areas.
Pero inirerekomenda pa rin nila na gawin ang events online.
Matatandaang sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na posibleng manatili ang bansa sa ilalim ng community quarantine hanggang sa katapusan ng taon.
Sa taya ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na posibleng maialis ang lahat ng community quarantine sa 2022.