DOH, umapela sa mga mayayamang bansa na ipagpaliban ang pagtuturok ng booster shots sa harap ng kakulangan ng vaccine supply

Iginiit ng Department of Health (DOH) na dapat ikonsidera ng mga mayayamang bansa ang kapakanan ng iba pang bansa bago nila simulan ang pag-uusap ukol sa booster doses ng COVID-19 vaccines.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na maraming bansa ang walang access sa bakuna o kulang ang supply ng bakuna.

Nanawagan si Duque sa United Nations (UN) at sa World Health Organization (WHO) na pakiusapan ang mga mayayamang bansa na ipagpaliban muna ang anumang pag-uusap ukol sa booster o third dose.


Magpapadala ang kalihim ng formal letter sa dalawang international organizations.

“Ako po ay susulat nang pormal sa kanila para paalalahanan po ang ating mga mayayaman na bansa na huwag po nilang kalimutan naman ang mga mahihirap na mga bansa na, mag-uumpisa pa nga lang,” ani Duque.

“Kung mangyari lang po na makinig naman sila sa sentimyento ng ating low to middle income countries na kulang na kulang pa rin ang mga bakuna,” dagdag ng kalihim.

Sinabi naman ni Testing Czar Vince Dizon, na kaya naantala ang vaccine delivery sa Pilipinas ay bunga ng limitadong supply ng COVID-19 vaccines sa buong mundo.

Gayumpaman, tiniyak ni Dizon na sinisikap ng pamahalaan na makakuha ng mas maraming bakuna para sa bansa.

Facebook Comments