DOH, umapela sa publiko na tumulong sa mga health care workers ngayong holiday season

Umaapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na tulungan sana ang mga health care workers ngayong holiday season.

Sa inilabas na pahayag ng DOH, simula pa lamang ng COVID-19 pandemic ay tutok na sa trabaho at kaligtasan ng iba ang mga health care workers sa bansa.

Kaya ngayong Pasko, sinabi ng DOH na bilang regalo ay marapat na mabigyan ng pagkakataon ang health care workers na makapagdiwang kasama ang kanilang pinakamalalapit na kapamilya, mapa-pisikal man o online.


Ayon pa sa DOH, makakatulong ang lahat sa medical frontliners sa pamamagitan ng pagpapanatiling ligtas ang bawat isa.

Kaugnay nito, nanawagan ang DOH na huwag kalimutan ang pagsunod sa minimum public health standards sa sariling tahanan man o sa mga pampublikong lugar.

Base naman sa pinakahuling COVID-19 Philippine Situationer ng DOH, umabot na sa 13,325 ang bilang health care workers na tinamaan ng COVID-19.

13,044 sa kanila ay gumaling na habang 205 na aktibong kaso kung saan nasa 76 ang health care workers na ang nasawi dahil sa COVID-19.

Facebook Comments