Wala pang nakikita ang Department of Health (DOH) na may kaso na ng community transmission ng UK variant ng COVID-19 sa Bontoc, Mountain Province.
Ayon kay Dr. Alethea de Guzman, Medical Specialist IV ng DOH Epidemiology Bureau, ang lahat ng 11 kaso ng UK variant sa Barangay Samoki ay may koneksiyon sa mag-asawa na umuwi mula United Kingdom.
Pero nang i-sequence ang sample ng lalaki, nagnegatibo siya sa UK variant.
Dahil dito, sinabi ni De Guzman na hindi pa nila masabi kung kanino nakuha ng iba ang UK variant, pero nakikita nila ang posibilidad na nakuha ng lalaki ang impeksiyon sa Pilipinas.
“Marami nga siyang nakasalamuha. The fact na siya ay nagpositibo pero hindi nga nagpositibo for the UK variant napapakita na ang isang source of infection niya ay locally po. As of now, we’re not yet concluding that this traveler from UK is the source of infection and the department is currently doing back tracing of our pieces to identify other potential sources of infection,” ani De Guzman
Samantala, ang isa pang kaso sa ibang barangay, nakikita ring may koneksiyon sa iba pang contacts na nakita ng DOH.
Paliwanag ni De Guzman, kahit may local transmission na ng UK variant sa Bontoc, hindi pa nila nakikita ang mas malawak na community transmission.
“We use the metrics by WHO (World Health Organization). Ang ebidensiya na mayroong community transmission ay marami na ‘yung kaso, nare-report at nakikita, ‘yung mga kasong ito nag-o-occur sa iba ibang cluster. At pangatlo ‘yung kaso across a certain area and ‘yung mga cluster ay hindi na makonekta o ma-link to each other,” ani De Guzman.
Dahil sa mataas na bilang ng UK variant na na-detect sa Bontoc, planong palawigin pa ng dalawang linggo ang lockdown sa ilang barangay sa lugar na magtatapos sana sa Enero 31.