Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala sa mga nakasalamuha ng unang kaso ng Omicron BA.2.12 ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Rosario Vergeire, sa 44 na closed contact ng babaeng dayuhan mula Finland ay wala ni isa ang nagpakita ng sintomas.
Aniya, nagkaroon ang nasabing dayuhan ng siyam na close contacts sa Quezon City, lima sa Benguet at 30 na kasabay niya sa flight papunta ng Maynila.
Paliwanag ni Vergeire, Abril 10 nang magkaroon ng sintomas ang nasabing dayuhan at nagpositibo sa virus makalipas ang isang araw.
Siya ay na-admit sa isang ospital sa Baguio sa loob ng limang araw at umalis ng bansa noong Abril 21 matapos gumaling sa COVID.
Nilinaw naman ni Vergeire na bagama’t 2.5 na beses na mas nakahahawa ang variant na ito ng COVID-19, hindi naman ito nagdudulot ng malalang mga sintomas.
Gayunman, hindi pa rin dapat magpakakampante ang publiko kahit hindi ito maituturing na variant of interest o variant of concern.