DOH, walang nakikitang problema sa pag-aalis ng RT-PCR testing bilang requirement sa pagbiyahe

Walang nakikitang problema ang Department of Health (DOH) sa pag-aalis ng mga Local Government Unit (LGU) ng COVID-19 requirement para sa mga biyahero.

Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, simula’t sapul naman ay hindi naging adbokasiya ng kagawaran na i-require ang RT-PCR testing maliban na lamang kung makitaan ng sintomas ang biyahero.

“That has always been the prerogative of our local governments, nasa resolusyon po yan ng IATF. Sinabi naman na hindi tayo nag-a-advocate for that na hindi tayo nagre-require niyan,” ani Vergeire.


“Ang atin lang symptom and exposure screening ngunit nakalagay din sa IATF resolution, if local governments would feel or would think na ito ay kailangan nilang ipatupad, meron po silang authority for that,” dagdag niya.

Dagdag ni Vergeire, kahit walang RT-PCR test, mas mahalaga na mahigpit na naipatutupad ng bawat LGU ang kanilang borders screening.

Maliban sa temperature check, dapat ding kunin ang history travel, history exposure at history symptoms ng mga biyahero para agad silang ma-isolate.

“Ngayong tinatanggal po nila, hindi natin kailangang mangamba dahil ang kailangan lang po talaga, ang borders screening ay maging mas maayos” saad pa ng DOH official.

“Pangalawa, yun pong ating mga kababayan na babiyahe, sana po kung nakakaramdam na ng sintomas o di kaya alam niyong na-expose kayo sa isang taong confirmed positive, wag na po kayong tumuloy sa pagbiyahe niyo,” dagdag pa niya.

Facebook Comments