Walang plano ang Department of Health (DOH) na ipagpaliban muna ang polisiyang nag-oobliga sa mga on-site worker na hindi pa bakunado kontra COVID-19 na sumailalim sa RT-PCR test kada dalawang linggo.
Sa kabila ito ng posibleng epekto sa mga manggagawa ng nagtataasang presyo ng mga bilihin bunsod ng patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.
Katwiran ni Health Secretary Francisco Duque III, mainam na magpabakuna na lamang sila para hindi na mamroblema sa gastos sa pagpapa-RT-PCR test.
“Libre ang bakuna, unang-una, andyan yan. Marami tayong bakuna, ano ba naman yung magpaturok ka na lang para hindi ka na mahirapan, di ba, meron ka pang proteksyon,” ani Duque.
Kasabay nito, nilinaw ni Duque na hindi ‘vaccine hesitancy’ kundi ‘vaccine complacency’ ang dahilan ng pagbaba ng vaccination rate sa bansa.
Sa ngayon, 64 milyon na ng target na 90 milyong populasyon ng bansa ang nakakumpelto sa bakuna habang problema pa rin ang mababang bilang ng mga nagpapa-booster na nasa 15% pa lang.
Dahil dito, nakiusap ang kalihim, lalo na sa mga senior citizens na lumahok sa ika-apat na round ng “Bayanihan Bakunahan” na aarangkada na bukas hanggang Sabado.