Sa selebrasyon ng World Immunization Week 2019 ngayong linggo nagkaisa ang DOH, WHO at ang Unicef upang muling gisingin ang kamalayan ng mamamayan hinggil sa kahalagahan ng bakuna.
May temang ‘Protected Together: Vaccines Work!’ layon ng dalawang araw na event na nagsimula kahapon at magtatapos ngayong araw, Abril 30 na ipakita ang importansya ng bakuna sa pagliligtas ng milyun-milyong buhay kada taon at kinikilala sa buong mundo bilang matagumpay, epektibo at pinakamurang protection laban sa sakit.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, naging hamon sa kagawaran ang mga lumipas na buwan lalo na at nakaranas ng outbreak ng tigdas sa bansa ngunit nagpasalamat ang kalihim sa health workers at ka-partner nito dahil nabakunahan ang 3.8-na milyong Filipino.
Sa panig ng Unicef, nagpapasalamat si Unicef Representative Ms. Julia Rees sa Department of Health (DOH) at WHO, tiniyak na patuloy na susuporta para sa kaligtasan ng bawat kabataang Filipino.
Ayon kay Rees, karapatan ng bawat bata ang mabigyan ng tamang pangangalagang pangkalusugan sa kanyang paglaki.