DOJ, aapelang dagdagan ang confidential funds nito para sa 2024

Aapela ang Department of Justice (DOJ) sa mga mambabatas na dagdagan ang confidential funds nito para sa 2024.

Ito’y kasunod ng pagbaba sa ₱168 million ng confidential funds ng DOJ dahil nakatutulong ang alokasyon sa programa nito para sa mga biktima ng incestuous rape.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, aapela aniya sila sa Bicam hinggil dito dahil nagkasundo ang DOJ at Supreme Court na wag nang hayaang maareglo ang mga kaso ng incestuous rape.


Batay sa pinakabagong bersyon ng spending bill sa Senado, tinapyas ang higit ₱250 milyong panukalang secret funds ng DOJ para sa 2024.

Nasa ikatlong bahagi ito ng ₱526 milyong confidential funds na inilaan para sa parehong opisina ngayong taon.

Dagdag pa ni Remulla, maaaring mayroong milyon-milyong biktima ng incestuous rape sa bansa.

Malaking halaga aniya ang inilalaan ng DOJ para sa mga biktima dahil hindi sila maaaring ibalik agad sa kanilang mga pamilya dahil sa panganib na maulit ang krimen.

Kabilang sa mga tulong na ibinibigay ng gobyerno sa mga biktima ay ang housing at psychiatric counseling.

Facebook Comments