
Aminado ang Department of Justice (DOJ) na hindi pa tuluyang naihahain sa korte ang mga kasong may kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungero laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang sangkot.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, isinasapinal pa ng kagawaran ang mga detalye at masusing inaayos ang mga impormasyon bago pormal na isampa ang mga kaso sa korte.
Paliwanag ni Martinez, ginagawa ito kahit na nairekomenda na ng prosekusyon ang pag-akyat ng mga kaso laban kay Ang, upang maiwasan ang anumang kakulangan o pagkakamali sa mga dokumento at ebidensiya.
Giit ng DOJ, mahalagang maging maingat sa paghahain ng kaso dahil ang kahit maliit na pagkukulang ay maaaring magresulta sa pagbasura ng korte.
Sa sandaling maisampa, inaasahang haharap si Ang at iba pang respondent sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention.









