Naniniwala si Justice Sec. Menardo Guevarra na ang reklamo laban kay Chinese President Xi Jinping ang posibleng dahilan kung bakit naharang sa Hong Kong airport si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Sinabi ni Guevarra na partikular ang kaso sa International Criminal Court o ICC laban kay Xi.
Matatandaan na naghain sina Morales at dating DFA secretary Albert del Rosario ng reklamong crimes against humanity laban kay Xi, kaugnay sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Pero kung anuman ang rason ng Chinese immigration officials, sinabi ni Guevarra na hindi ito maaaring kwestyunin ng gobyerno ng Pilipinas
Ang pagpasok ng dayuhan o ang pagtanggi na papasukin ito ay “exclusive and sovereign prerogative” ng anumang bansa.
Ayon naman kay Dana Sandoval, ang tagapagsalita ng Bureau of Immigration, walang hurisdiksyon ang BI sa nangyari kay Morales.
Ipinauubaya na rin aniya ng BI sa Department of Foreign Affairs o DFA ang nasabing usapin.