Naglatag ng mekanismo ang Department of Justice (DOJ) at ang Bureau of Corrections (BuCor) para nalalaman pa rin ng mga pamilya ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang kanilang kalagayan sa loob ng kulungan.
Ito ay kasunod na rin ng pagtatanong ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite kung may alternatibong paraan para maipaabot sa mga kaanak ang kalagayan ng mga PDLs ngayong ipinagbabawal ang personal na pagdalaw dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa nagpapatuloy na budget deliberation sa Kamara, sinabi ni Appropriations Vice Chairman Jose Antonio Sy-Alvarado na gumagamit na ng teknolohiya tulad ng CCTV at tablets para makapag-usap at makita ng mga pamilya ng mga PDLs ang sitwasyon ng mga kaanak lalo na ang kanilang kalusugan.
Hiniling naman ni Gaite na gawing “uniform” ang polisiyang ito dahil may ilang bilangguan ang hindi consistent at paiba-iba ang alituntuning ipinapatupad.
Samantala, hindi muna pinapahintulutan ng DOJ at BuCor ang pagpasok ng mga essentials tulad ng gamot mula sa ipinapadala ng mga kaanak ng mga PDLs.
Tiniyak ni Alvarado na naibibigay sa mga PDLs na nagkasakit ng COVID-19 ang mga kinakailangang gamutan para sa kanilang paggaling.
Mahigpit din aniyang sinusunod ng mga ahensya ang inilatag na protocols ng Department of Health (DOH) para masugpo ang pandemya at maiwasan ang hawaan ng sakit sa kulungan.
Dagdag pa dito, ang mga PDLs na nasawi sa coronavirus disease ay ipinapaalam agad sa pamilya at sa pamamagitan ng e-burol ay nakapagluluksa ang mga kapamilya bago ito i-cremate.