DOJ at counsel ni Henry Alcantara, itinangging nagkaroon ng pagbawi sa testimonya sa flood control anomaly

Itinanggi ng Department of Justice (DOJ) at ng legal counsel ni dating Department of Public Wokrs and Highways (DPWH) Bulacan Engineer Henry Alcantara na nagkaroon ng pagbawi o recantation sa mga naunang testimonya kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects, na tinaguriang “BGC Boys.”

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, walang batayan ang mga ulat tungkol sa planong pagbawi ng testimonya dahil hindi pa sila naabisuhan ng abogado ni Alcantara tungkol dito.

Ngayong Martes, muling nagtungo si Alcantara sa tanggapan ng DOJ bilang bahagi ng kaniyang provisional admission sa Witness Protection Program (WPP). Bagama’t hindi ito obligado, ito ay bahagi ng kaniyang commitment bilang isang witness, ani Martinez.

Sa pahayag naman ng ELJ Law Office, itinanggi nila ang anumang recantation. Ayon sa kanilang abogado, patuloy si Alcantara sa pakikipagtulungan sa DOJ at prosecutors alinsunod sa Memorandum of Understanding at sa legal na proseso, upang lumabas ang katotohanan.

Nauna nang nagsauli si Alcantara ng daan-daang milyong piso na umano’y natanggap mula sa kickback sa mga proyekto kontra baha.

Facebook Comments