DOJ at NBI, inatasan ni PBBM na imbestigahan ang hoarding at smuggling ng sibuyas

Pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang smuggling ng sibuyas at iba pang produktong pang agrikultura.

Ayon sa pangulo, inutos niya na sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang hoarding, smuggling at price fixing ng mga agricultural commodities.

Sinabi pa ng presidente na ang mga iligal na gawaing ito aniya ay katumbas na ng economic sabotage.


Ang utos na ito ng pangulo ay dahil sa ipinatawag na imbestigasyon sa Kongreso ni Marikina Representative Stella Quimbo, Chairman ng House Committee on Agriculture and Food.

Sa isang memorandum na natanggap ng pangulo mula kay Quimbo sinasabing may sapat na ebidensiya na nagtuturo sa pagkakaroon ng kartel sa sibuyas na sangkot sa pagtatanim, pag-aangkat, local trading, warehousing at logistics na siyang dahilan raw ng pagtaas ng presyo ng sibuyas noong 2022.

Para kay Pangulong Marcos mahalaga ang findings na ito kaya dapat na magsagawa ng imbestigasyon.

Desidido ang pangulo na malaman kung sino-sino ang mga taong nasa likod ng hoarding at smuggling ng sibuyas at siguruhing mapananagot sa batas.

Batay memorandum ni Quimbo na isinumite sa pangulo, pinangalanan nito na ang nasa likod umano ng kartel ay ang Vieva Group of Companies Inc.

Isa raw sa sinasabing major stockholder nito ay isang Lilia o Lea Cruz na kilala umano bilang sibuyas queen.

Facebook Comments