Pormal nang ilalabas bukas ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang department order para sa pagbuo ng task force na magre-review sa guidelines sa pagbibigay ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) para sa mas maagang pagpapalaya ng mga preso.
Ayon kay Sec. Guevarra, bukod sa Board of Pardons and Parole at Bureau of Corrections (BuCor), nais din niyang isama ang mga Local Government Units (LGUs) sa task force dahil sila ang namamahala sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Target ni Guevarra na matapos ang pag-review sa loob lamang ng sampung araw para hindi raw maapektuhan ang mga bilanggong valid o karapatdapat namang mapagkalooban ng GCTA lalo na ang mga presong nagbago na sa loob ng kulungan.
Una rito, sinabi ng kalihim na plano nilang pansamantalang suspendehin ang pagproseso ng GCTA habang hindi pa nare-review ang BuCor guidelines.
Nag-ugat ang isyu matapos lumutang ang balitang pagpapalaya kay Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta.