“Let them file cases”, ito ang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nang tanungin kaugnay sa posibleng pagsasampa ng kasong perjury sa mga testigong humarap na rin sa pagdinig ng Kongreso noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Remulla, mas mainam na magsampa ng kaso upang mas maayos nila itong mapag-aralan.
Matatandaang bumaliktad sa mga naging testimonya noon ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa at humingi ng tawad kay dating Senadora Leila de Lima.
Si De Lima ay ipinakulong ng dating administrasyon dahil umano sa kaugnayan nito sa ilegal na droga.
Sa isang pagdinig ng Quad Committee, sinabi ni Espinosa na pinilit lang siya umano ng dating PNP Chief at ngayo’y si Senator Bato dela Rosa na idiin ang dating mambabatas.
Samantala, pagdating naman sa imbitasyon ng Quad Comm kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Remulla na mahalagang siya mismo ang humarap sa pagdinig at sa kaniya mismo manggaling ang sagot sa katanungan ng mga kongresista.