Ipauubaya na muna ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police (PNP) ang pag-iimbestiga sa insidente ng pagpatay sa abogadong si Gilda Mahinay-Sapie at asawa nito na si Muhaimen Mohammad sa Davao City.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na naka-standby lamang ang National Bureau of Investigation (NBI) para magbigay ng anumang tulong na kailangan sa pagsisiyasat.
Gayunman, kung lalabas aniya ang anggulo ng kulay pulitika o may kinalaman sa mga advocacy o adhikain ang krimen ay papasok na ang AO35 Task Force na pinamumunuan ng DOJ.
Ang Administrative Order o AO 35 Task Force ay bilang tugon sa mga kaso ng pagpatay, pagkawala ng isang tao at torture.
Binubuo ito ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa pangunguna ng DOJ para magsagawa ng mga pagsisiyasat kabilang na ang serye ng pagsisilbi ng search warrant at arrest warrant sa tirahan ng mga itinuturong kasapi ng mga makakaliwang grupo.