Umapela ang Department of Justice (DOJ) sa Korte Suprema na bawiin nito ang inisyung Temporary Restraining Order (TRO) na humaharang sa pag-aresto kay dating Palawan Governor Mario Joel Reyes, ang pangunahing akusado sa pagpaslang sa environmentalist at broadcaster na si Dr. Gerry Ortega noong 2011.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kumpiyansa siya na mananaig pa rin ang hustisya sa kabila ng inilabas na TRO ng Supreme Court.
Magugunitang nahinto ang paglilitis sa kasong pagpatay sa broadcaster dahil sa inisyung TRO ng Korte Suprema.
Ayon sa kalihim, naniniwala ang DOJ sa pagiging patas ng Kataas-taasang Hukuman.
Sinabi pa ni Guevarra na naisumite na ng Office of the Solicitor General ang kanilang motion for reconsideration sa Supreme Court.
Una nang naglabas ng desisyon ang Supreme Court Second Division noong March 23, 2022 kung saan pinagbigyan ang motion for reconsideration ni Reyes na buhayin muli ang kaniyang petition for review on certiorari.
Inatasan din ang respondent DOJ sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General na maghain ng komento sa loob ng sampung araw.
Naglabas din ang SC ng TRO na pumipigil sa Puerto Princesa RTC sa paglabas ng warrant of arrest laban kay Reyes.