Friday, January 16, 2026

DOJ, gagamitin ang lahat ng legal remedies matapos maabswelto si dating Cong. Arnie Teves sa 2019 murder case

Wala pang natatanggap na opisyal na kautusan mula sa korte ang Department of Justice (DOJ) kaugnay sa sinasabing pag-abswelto ng korte sa isang kaso ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.

Paglilinaw ito ng DOJ matapos ianunsiyo ng legal counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio na pinawalang sala na ang kaniyang kliyente sa 2019 murder case.

Sa isang pahayag, sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na hindi pa nakukumpirma sa kanila ang napaulat na acquittal.

Sa kabila nito, sakali aniyang totoong abswelto si Teves sa pagpaslang kay Miguel Lopez Dungog na dating provincal board member ay mananatili pa rin ito sa kulungan.

Ito ay dahil may mga kinakaharap pang ibang kaso si Teves na multiple murder sa Manila Regional Trial Court kabilang na ang pagpaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pa noong 2023.

Tiniyak naman ng Justice Department na gagamitin nila ang lahat ng legal remedies sakaling matanggap na ng prosecution panel ang opisyal na kopya mula sa korte.

Facebook Comments