DOJ, handang ilagay sa WPP si Zaldy Co kapag humiling

Hindi hahadlangan ng Department of Justice (DOJ) sakaling humiling si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na mailagay sa Witness Protection Program (WPP).

Ito ang nilinaw ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez matapos ang pasabog na video ni Co laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Budget Secretary Amenah Pangandaman at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa kabila nito, sinabi ni Martinez na kailangang personal na makipag-ugnayan si Co kung magre-request ito na ilagay sa kanilang proteksyon.

Pero paglilinaw ng Justice Department, hindi sila pwedeng magsagawa ng imbestigasyon dahil lamang sa video na inilabas ni Co.

Sa ngayon, wala pang ideya ang Justice Department sa kinaroroonan ni Co na nagsabi sa inilabas na video na nangangamba na raw siya sa kaniyang buhay.

Samantala, nilinaw ni Martinez na may posibilidad na kanselahin ang passport ni Co sakaling may isampa na sa kaniyang kaso at hindi pa rin umuwi ng bansa.

Facebook Comments