
Iginiit ng Department of Justice (DOJ) na nakahanda silang imbestigahan ang mga alegasyon ng 18 nagpakilalang mga dating sundalo kaugnay sa paghahatid umano nila ng male-maletang pera sa matataas na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, handa silang magsagawa ng preliminary investigation lalo’t may memorandum of agreement ang kagawaran at ang Office of the Ombudsman.
Sa ilalim aniya nito, pwede silang atasan ng Ombudsman na magsagawa ng mga imbestigasyon.
Pero sa ngayon ay hinihintay pa raw ng Justice Department ang magiging pasya ng Ombudsman kung hihingin ang kanilang tulong.
Pwede rin naman aniyang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kung saan ihahain ang reklamo sa DOJ.
Kahapon nang pormal na isumite ni Atty. Levi Baligod, abogado ng mga nagpakilalang ‘bagmen’ sa Ombudsman ang pirmadong affidavit sa mga alegasyon ng paghahatid umajo ng pera kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at dating Congressman Zaldy Co.










