DOJ, handang magkasa ng preliminary investigation sa isyu ng drug war ng Duterte administration matapos ang Quad Committee Hearing sa Kamara

Handang magsagawa ng preliminary investigation ang Department of Justice (DOJ) sa nangyaring pagpatay sa mga high profile individual na nasangkot sa ilegal na droga noong nakaraang administrasyon.

Ito’y batay sa mga testimonyang narinig at napanood sa ginanap na Quad Committee Hearing sa Kamara.

Sa naging mensahe ni Justice Usec. Raul Vasquez, gagamitin nila ang report ng Quad Comm sa pagbuo ng kaso laban sa mga sangkot sa drug war ng Duterte administration.


Paliwanag naman ni Usec. Vasquez, kinakailangan na may magsampa ng reklamo laban sa mga binanggit na pangalan ni dating PCSO General Manager Royina Garma.

Giit pa ni Usec. Vasquez, ang matatanggap nilang reklamo ay iipunin upang kasuhan ang mga indibidwal na isiniwalat ni Garma sa ginanap na pagdinig kontra sa operasyon ng iligal na droga noong panahon nakaupo si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaan na kabilang sa isiniwalat ni Garma sa Quad Comm ay ang reward system sa drug war ng Duterte administration at ang pagkakasangkot umano ng opsiyal ng Philippine National Police (PNP) sa assassination kay dating Tanauan City Mayor Antonio Halili.

Facebook Comments