DOJ, handang sumunod sakaling ipag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos na bumalik ang Pilipinas sa ICC

Kinikilala ng Department of Justice (DOJ) ang panawagan ng ilan na gamitin ang report ng Quad Committee ng Kamara sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Sa gitna ito ng nagpapatuloy na paglutang ng mga testigo kaugnay sa inilunsad na giyera kontra iligal na droga sa ilalim ng Duterte administration.

Sa mensahe ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano sa reporters, sinabi nitong batid din nila ang mga panawagan ng ilan na bumalik ang Pilipinas sa ICC.


Handa naman aniyang sumunod ang kagawaran sa anumang ipag-uutos ng pangulo bilang chief architect ng foreign policy ng bansa.

Sa kabila nito, wala pa namang inilalabas na direktiba ang Palasyo at una nang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi babalik ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng ICC.

Kumalas ang bansa sa Rome Statute sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos magsimula ang imbestigasyon sa kontrobersiyal nitong kampanya kontra iligal na droga.

Facebook Comments