
Hihilingin ng Department of Justice (DOJ) na gawing state witness si Julie “Dondon” Patidongan o alyas Totoy na nagsiwalat ng kaniyang nalalaman sa missing sabungeros.
Ito ay sa harap ng muling pagdinig ng korte sa kaso ng mga nasa likod ng pagdukot sa mga nawawalang sabungero kung saan isa si alyas Totoy sa anim na kinasuhan noon.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hihilingin nila kalaunan sa korte na gawing state witness si Patidongan pero sa ngayon ay ine-evaluate pa ng prosekusyon ang reklamong inihain kamakailan ng pamilya ng mga nawawalang sabungero.
Kaugnay nito, umapela sa DOJ ang abogado ng isang pulis na dawit sa kaso na atasan ang Criminal Investigation and Detection Group na ilabas ang ilang affidavit na umano’y hindi naisama sa case folder.
Sa tatlong-pahinang liham na ipinadala kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, sinabi ni Atty. Bernard Vitriolo, abogado ni PSMS. Joey Encarnacion na ang mga dokumento ay sinumpaang salaysay ng ilang indibidwal na nagsasabing may kaalaman sila sa kaso.









